POSTSCRIPT By Federico D. Pascual Jr.
Thursday, January 10, 2008
(Grabbed from the Internet, author unknown, edited a bit, forwarded with impunity.)
SI NANAY ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa iskwela. Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay. Kung meron, gumamela lang. Diyes sentimos lang ang baon — singko sa umaga, singko sa hapon.
Merong “free” ang mga stick ng ice drop, buko man o munggo. Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay maestro/a.
Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala. Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana.
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa mga nasa tabing kalye — wala namang lock ang mga Willy’s jeep noon.
* * *
SIMPLE lang ang pangarap noon — makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak.
Bago magkaroon ng Internet, computer at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang Counter Strike at mga Game Boy.
Meron kaming mga laruan na gawa lang namin — trak-trakan (Rosebowl ang katawan at Darigold na maliit ang mga gulong), “sketeng” (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno. Patining na pinitpit na tansan lang na may dalawang butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan); sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
Maraming usong laro — laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata. Pera namin ay kaha ng Philip Morris, Marlboro, Champion (kahon-kahon yon!)
* * *
NATATANDAAN mo ba ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ng nakakatakot sa “Mga Aninong Gumagalaw”?
Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan. Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada? O harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan?
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli ng tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo.
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas, suot mo pa rin. Namumugalgal ang pundiya ng karsonsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.
Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama. Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae.
* * *
SA MODERNONG buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology, di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw!
Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob.
Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. (Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya’t ayaw tayong mapahamak o mapariwara… na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo.)
Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. Naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
Nakaranas ka rin ba ng pamimili ng bato sa bigas, tinda-tindahan na puro dahon naman, bahay-bahayan na puro kahon? Naglako ka ba ng ice candy o pandesal noong araw?
“Susmaryosep” ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata, “Estigo santo” kapag nagmamano.
* * *
GRABE na ang kaso pag napatawag ka sa Principal’s Office. At malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.
Unahan tayong sumagot sa multiplication table na kabisado natin, kasi wala namang calculator.
Pag recess, mamimili ka sa garapon ng tinapay-alembong, taeng-kabayo o biscocho. Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o caramel. Kung gusto mo naman, pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat.
Masarap ang kamatis na piniga sa kamay para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-isang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin; halo-halo na yelo, asukal at gatas lang ang sahog.
Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni Itay kasi may tinola!
Purico ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magparikit ng apoy.
* * *
SAKANG ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka. O naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan. Lipstick mo ay papel de hapon.
May program at flag-raising kapag Lunes sa paaralan. May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.
Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinakamayaman.
Yung crush mo — ano na kayang nangyari sa kanya?
Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas sa almirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon… pwede rin sa laylayan.
Ang kanta: Penpen de serapen, de kutsilyo, de almasen, how how da carabao batuten....
* * *
MASAYA na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti. May oras tayo sa isa’t-isa.
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka, kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin, pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.
Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo. Meron tayong Skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.
Di ba masaya? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahong yon. Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyong mga araw na may kapayapaan pa.
No comments:
Post a Comment